Ang coronavirus disease (COVID-19) ay isang nakahahawang
sakit na dulot ng bagong coronavirus. Karamihan sa mga taong
magkakaroon ng impeksyon ay makararanas ng hindi malalang sintomas at
gagaling. Ngunit ang iba ay makararanas ng malubhang sakit, lalo na sa
mga matatanda at mga may dati nang karamdaman. Narito ang ilang mga
simpleng hakbang na maaari mong gawin upang maprotektahan ang kalusugan
mo at ng iba.
Ang mga payong ito ay maaaring sundin ng lahat, ngunit napakahalaga ng mga ito kung ikaw ay nakatira sa lugar na may COVID-19.
1. Hugasan nang madalas ang iyong mga kamay
Ugaliin ang puspusang paglinis ng mga kamay gamit ang hand sanitizer na may alkohol o hugasan gamit ang sabon at tubig.
Bakit? Lagi nating ginagamit ang ating mga kamay upang
hawakan ang mga bagay na maaaring kontaminado. Maaaring hindi natin
namamalayan na maghawak natin ng ating mukha, nailipat na ang virus sa
mata, ilong at bibig at nahawahan na tayo. Namamatay ang mga virus na
maaaring nasa iyong kontaminadong kamay, kasama na ang bagong
coronavirus, sa pamamagitan ng paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at
tubig o paggamit ng hand sanitizer na may alkohol.
2. Iwasan ang paghawak sa iyong mata, ilong at bibig
Madalas nating hinahawakan ang ating kamay nang hindi namamalayan.
Maging mapagmatyag tungkol dito, at iwasan ang paghawak sa iyong mata,
ilong at bibig.
Bakit? Maraming hinahawakan ang mga kamay at maaari
itong makakuha ng mga virus. Kapag kontaminado na ang kamay, naililipat
ang virus sa mata, ilong at bibig at maaaring pumasok sa katawan at
magdulot ng sakit.
3. Takpan ang iyong ubo at bahing
Siguraduhing ikaw, at ang mga tao sa paligid mo, at sumusunod sa tamang
respiratory hygiene. Ibig sabihin nito ay ang pagtakip ng bibig at ilong
gamit ang loob ng siko o tisyu kapag uubo o babahing. Agad na itapon
ang gamit na tisyu sa basurahang may takip at maghugas ng kamay.
Bakit?
Kung ang isang tao ay uubo o babahing, tumatalsik ang maliit na droplet
mula sa ilong at bibig na maaaring may virus. Sa pagtakip ng iyong ubo o
bahing, naiiiwasan ang pagkalat ng mga virus at mikrobyo sa iba. Sa
paggamit ng loob ng siko o tisyu – at hindi iyong kamay – sa pag-ubo o
pagbahing, naiiwasan ang paglipat ng kontaminadong droplet sa iyong
kamay. Dahil dito, napipigilan ang paglipat ng virus sa tao o bagay.
4. Iwasan ang matatao na lugar at malapit na pakikipagsalamuha sa taong may lagnat o ubo
Iwasan ang matataong lugar, lalo na kung and iyong edad ay 60 pataas o
may dati nang karamdaman gaya ng altapresyon, diyabetis, sakit sa puso
at baga o kanser. Panatilihin ang hindi bababa sa 1 metrong pagitan mula
sa iyo at sa kung sinumang may lagnat o ubo.
Bakit? Pangunahing kumakalat ang COVID-19 sa
pamamagitan ng droplet na lumabas mula sa bibig o ilong kapag umubo o
bumahing ang isang tao. Sa pag-iwas sa mga matataong lugar, nilalayo mo
ang iyong sarili (ng hindi bababa sa 1 metro) mula sa mga taong maaaring
may COVID-19 o sinumang may iba pang may sakit.
5. Manatili sa bahay kung ikaw ay may sakit
Manatili sa bahay kung ikaw ay may nararamdamang sakit, kahit sinat at ubo lang.
Bakit? Sa pagpanatili sa loob ng bahay at hindi
pagpunta sa trabaho o iba pang lugar, gagaling ka ng mas mabilis at
maiiwasan ang pagkalat ng sakit sa ibang tao.
6. Kung ikaw ay may lagnat, ubo at hirap sa pag-hinga, magpakonsulta agad – ngunit tawagan mo muna ang health facility
Kung ikaw ay may lagnat, ubo at hirap sa pag-hinga, magpakonsulta ng
maaga – kung kakayanin, tumawag muna sa ospital o health center para
masabihan ka kung saan ka pupunta.
Bakit? Makatutulong ito upang masiguro na tama ang
payong mabibigay sayo, ikaw ay maituro sa tamang health facility, at
maiwasan mong makahawa sa iba.
7. Kumuha ng impormasyon sa mapagkakatiwalaang awtoridad
Alamin ang pinakabagong impormasyon tungkol sa COVID-19 mula sa
mapagkakatiwalaang artoridad. Siguraduhing ang impormasyon ay mula sa
maaasahang mga tagapagsalita – ang Department of Health, World Health
Organization (WHO), o iyong lokal na health worker. Dapat ay alam ng
lahat ang sintomas – sa karamihan ay nagsisimula ang COVID-19 sa lagnat
at tuyong ubo.
Bakit? Ang lokal at pambansang awtoridad ang may alam
tungkol sa pinakabagong impormasyon kung kumakalat na ba ang COVID-19 sa
iyong lugar. Sila ang mas nakakaalam kung anong tamang payo na dapat
ibigay sa iyong lugar, upang maprotektahan ng mga tao ang kanilang
sarili.